500 TURISTA, LULAN NG MV SUPERSTAR AQUARIUS

Posted on November 13, 2014

turustaPalawan – Mula sa karatig na isla ng Kota Kinabalu, Sabah ay naglayag at tumawid sa karagatan ng Pilipinas ang cruise ship na MV Superstar Aquarius na pinangangasiwaan ng Star Cruises ng kompanyang Genting-Hongkong, Ltd. at dumaong sa pantalan ng Puerto Princesa noong Nobyembre 10, 2014, ganap na alas dos ng hapon. Lulan ng nabanggit na pang-turismong barko ang limandaang turistang na karamihan ay mga Tsino at Malayo.

Ang mga panauhin ay masiglang sinalubong sa pantalan ng lungsod nina: Governor Jose Chaves Alvarez, Vice Governor Dennis M. Socrates, Mayor Lucilo R. Bayron, San Vicente Mayor Carmela “Pie” Alvarez, Provincial Information Officer Gil P. Acosta, City Tourism Officer Aileen Amurao, Provincial Chief Tourism Operations Officer Maribel C. Buňi, BIMP EAGA Business Council Chairman Commodore Nic Hernandez. Sumalubong din mga opisyales ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaang-nasyunal na kinabibilangan nina: DOT Undersecretary Benito Bengzon, DOT-IVB MIMAROPA Regional Director Atty. Minerva Morada, Commissioner Sigfried Mison ng Bureau of Immigration, at Mr. Jimwel Apellido ng Philippine Ports Authority- Puerto Princesa Port Management Office.

Sa isinagawang Inaugural Cruise Ceremony, ganap na ika-apat ng hapon, sa main theater ng magarbong barko ay nagbigay ng mensahe si Gob. Alvarez. Ayon sa gobernador, ang pagbisita ng MV Aquarius sa Palawan ay isa lamang sa marami pang biyahe ng mga barkong pangturista na dadaong sa mga pantalan ng lalawigan. Kanya ring binigyang diin na bukod sa Underground River ay marami pang naggagandahang destinasyon ang maaaring pasyalan tulad ng Tubbataha Reef National Marine Park sa bayan ng Cagayancillo at ang bayan ng Linapacan na ayon sa gobernador ay siyang may pinakamalinaw na tubig–dagat sa buong mundo. Kanya ring ikinumpara ang isla ng Balabac sa Maldives- isang sikat na destinasyon sa Indian Ocean.

Nagbigay din ng mensahe si Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron at ayon sa alkalde, simula sa buwan ng Nobyembre ay magkakaroon na ng regular na pagdaong ng mga cruise ship sa pantalan ng lungsod hanggang sa buwan ng Disyembre taong 2015 na aabot sa dalawampu’t anim na byahe (26 voyages). Inaasahan na ang pagdagsa ng mga turista lulan ng mga ito ay lalong magpapasigla sa industriya ng turismo at lokal na ekonomiya ng lungsod at lalawigan.

Ang Senior Vice President ng Genting-Hongkong Ltd. sa katauhan ni G. Michael Goh ay nagpahayag ng kagalakan sa mainit na pagtanggap ng mga Palaweňo sa kanilang pagbisita sa lungsod at lalawigan. Kanya ring binanggit ang marami pang kasunod na biyahe ng Star Cruises sa lungsod at lalawigan hanggang sa darating na taong 2015.

Sa kanilang magdamag na pananatili sa lungsod, naging pangunahing interes ng mga pasahero ng MV Superstar Aquarius ang pamamasyal sa Puerto Princesa Underground River (PPUR) – ang pinakatanyag at pangunahing destinasyon ng mga turista na bumibisita sa lungsod at lalawigan. -Palawan, PIO

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: